Monday, March 8, 2010

Sa Paligid ng Isang Musmos ni Elena Evangelista

MUSMOS...ikaw ay musmos, ngunit ang pangarap mo ay sintayog ng mga bundok. Hinahanap mo ang isang bagay na kaytagal nawalay sa iyo...subalit kayhirap matagpuan...hindi masumpungan.

Tila isang walang katapusang panaginip ang noo'y iyong minimithi. Sa iyong akala ay wala nang katuparan ang iyong mga pangarap.

Bahagi ng iyong nakitang panaginip--sa iyong pasalit na ekolohiya ay natimo ang isang larawang matapos mong makita ay nag-iwan ng napakaraming kahulugan sa iyo.

Tinangka mong sagutin ang iyong mga katanungan sa pamamagitan na rin ng pagtatanong sa mga taong nakapalibot sa iyo. Subalit sa iyong murang gulang sa iyong walang malay na kaanyuan, sa iyong musmos sa pagkakakilanlan, ang katanungan mo'y tinawanan lamang at ipinagwalang-bahala.

Sa tindi ng iyong pagdaramdam, ikaw sa iyong sarili ang mismong naghanap ng kasagutan sa iyong katanungan. Iginala mo ang iyong paningin sa iyong kapaligiran, hinanap mo ang bagay na magbibigay sa iyo ng hinahanap mong katugunan...ang...

LANGIT na kaygandang pagmasdan. Buong pagmamahal mong sinulyapan ang bughaw nitong kulay na ilang sandali pa ay tatakpan ng tila maitim na bulak na patuloy sa pagkilos sa hindi malamang direksyon, ang...

ULAP na naghatid, naghahatid, at maghahatid ng saganang tubig sa kabukiran. Naghasik, naghahasik, at maghahasik ng yaman sa sangkatauhan. Nagdulot, nagdudulot, at magdudulot ng binhing kapi-pakinabang sa buong daigdig. Binhing lalaki tulad ng isang...

PUNO na ga-higante ang taas. Tila tinatanaw ng ituktok nito ang buong sandaigdigan. Buong kasiyahang iwinawagayway ang kulay-luntian nitong mga dahon. Nagmamalaki sa mga...

IBON na nangag-aawitan nang buong kasiyahan sa kanyang mga tangkay na tila wala nang inaalala pa. Kasaliw ng kanilang malamyos na awitan ang nadaramang malamig na pagdampi ng...

HANGIN na nagbabadya ng walang sawang himig ng kapyapaan. Inililipad niya ang mga tuyong dahon sa papawirin upang doo'y ibulalas ang buong kagalakang nadarama. Hanggang sa mapagod at humantong sa labi ng...

KARAGATAN na lipos din ng kasiyahan. Maging ang malaking alon nito ay malayang ipinahahatid ang taglay na kasiyahan sa pamagitan ng paghampas ng kanyang sarili sa batuhan habang sa kanyang malinaw na tubig ay nananalamin ang...

BUWAN at BITUIN na tumatanglaw sa buong sambayanan sa gitna ng pusikit na karimlang yaon. Sa maliwanag na buwan at maningning na bituin ay mababakas ang kasiyahang inihahatid ng kapayapaan na hindi mo inaasahang matatapos, hanggang sa sumikat ang...

HARIN ARAW na nagbibigay-liwanag sa buong sandaigdigan. Nakangiting pinagmamasdan ang bawat taong nagmamadali sa paglakad tungo sa kaunlaran.

Ngunit ikaw na musmos ang pag-iispi ay hindi pa rin nasiyahan sa namalas mo sa iyong ekolohiya. Dahil sa hindi mo pa nasusumpungan ang bagay na iyong hinahanap, bagkus ay ang kasagutan lamang sa iyong mga katanungan ang iyong nakamtan.

Hanggang sa makihalubilo ka na rin sa mga taong naglalakad tungo sa kaunlaran. Pinagyaman mo ang iyong pag-iisip sa paaralan hanggang sa ika'y makatapos at makapaglingkod sa sambayanan.

Ngayon...ngayon ay hindi ka na matatawag na musmos. Kaisa ka na ng mga aninong naghahabol sa tagumpay...tagumpay sa kayhirap abutin.

Subalit isang araw ay nagising ka sa katotohanan. Sa iyong paglalakad ay narinig mo ang isang awitin. Awiting kamumurot ang bagay na malaon mo nang hinahanap.

Wala ka bang napapansin
Sa iyong mga kapaligiran?
Kayrumi na ng hanging,
Pati na ang mga ilog natin.

Ang bawat titik...salita...parirala...himig...at diwa ng awiting yaon ay tiimbagang bumaon sa iyong dibdib. Nagmistula kang estatwa sa bigla mong pgahinto sa iyong paglalakad.

Hindi nga masama ang pag-unlad,
At malayu-layo
na rin ang ating narating,
Ngunit masdan mo ang tubig sa dagat--
Dati'y kulay-asul ngayo'y naging itim.

Lalo kang naantig sa apat na linya ng awiting ito...awiting punung-puno ng damdamin, punung-puno ng kahulugan.

Ang mga batang ngayon lang isinilang,
May hangin pa kayang matitikman?
May mga puno pa kaya silang aakyatin?
May mga ilog pa kayang lalanguyan?

Sandali pa'y ngngilid na ang luha sa iyong mga mata. Kinailangan mo pang isubsob ang iyong mukha upang malaya mong maibuhos ang sama ng loob...sama ng loob sa iyong sarili, sa iyong kapwa, at sa kaunlaran. Sanhi kung bakit ikaw ay naging tampulan ng atensyon ng mga kasabay mo paglalakad...sanhi kung bakit ang...

PUNO na lipos ng kasiyahan ay nabalutan ng kalungkutan. Buong pagpapakumbabang itinutungo ang tuyo't kulay-tsokolateng mga dahon. Hindi na niya halos abot-tanaw ang buong sandaigdigan dahil sa mga pusakal na nanggulo sa dati niyang tahimik na pamumuhay. Nahihiya na siya sa mga...

IBON na nangag-aawitan nang buong kalungkutan na tila may pasang isang bagay na ubod nang bigat. Matamlay na sila kaya't di magawang lakbayin ang kalawakan ng daigdig...wala na rin ang dating sigla ng kanilang kaibigang...

HANGIN na nagbabadya ng walang-sawang himig ng kapayapaan na ngayo'y nagbabadya ng walang-sawang himig ng digmaan. Siya na tagapagligtas ng lahat ng tao sa daigdig ay nalason...naging kalumpon ng burak...burak na humantong sa labi ng...

KARAGATAN na punung-puno ng kalungkutan. Maging ang dating malaking alon nito ay makikitang banayad na tila wala nang sigla, dahil sa mapamuksang pamumuhay. Hindi maaninag sa maitim nitong tubig ang larawan ng namimighating...

BUWAN at BITUIN na kahit galit ay patuloy pa ring tinatanglawan ang buong sambayanan sa gitna ng pangit na karimlang yaon. Nababakas sa kanilang mukha ang pagdaramdam sa inihatid ng kaunlaran, ang labis na paghahangad ng tao sa kaunlarang nagdulot ng kasamaan sa ekolohiya. Hangang sa sumikat ang...

HARING ARAW na pagod na pagod na rin sa pagbibigay ng liwanag sa buong sandaigdigan...nagagalit na sa walang habas na pagwasak ng tao sa kapaligiran.

A, ikaw na rati'y musmos ang pag-iisip ay pinagbuti ng kaunlaran...kaunlarang naghahatid sa iyo ng tagumpay...na nagdudulot naman ng kalungkutan sa iyong paligid.

Nabatid mo ngayon ang katotohanan. Ngunit mag magagawa ka pa. Igalaw mo ang iyong mga paa...lumakad...at lumihis sa landas ng dati mo nang tinahak. Ibalik mo ang nagdaang larawan ng iyong kapaligiran nang ikaw'y musmos pa lamang, sapagkat sa paligid ng isang musmos...kagandahan.

Labels:

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home